‘Feeding budget’ ng DSWD para sa mga batang mag-aaral, dinagdagan ng mahigit P1-B

MAYNILA, Pilipinas– Matagumpay na naipaglaban ni Senador Ralph Recto ang karagdagang budget para sa pagkain ng mga mag-aaral sa elementarya at day care matapos aprubahan ng Senado ang mahigit P1-B na dagdag sa ‘feeding program’ ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Sa kasalukuyan ay mayroon lamang nakalaaan na P13 na budget para sa isang ‘hot meal’ ng bawat batang mag-aaral sa pampublikong eskuwelahan, ‘di hamak na mas mababa sa P50 na budget para sa isang preso.

“‘Food for the country’s 135,000 inmates is budgeted at P50 a day each, or P16.70 per meal, higher than the P13 meal budget of the DSWD in its “Supplemental Feeding Program,” paliwanag ng Senate Minority Floor Leader.

Ayon kay Recto, ang nagtulak ng proposisyon sa national budget para sa susunod na taon, ang karagdagang halaga ay makatutulong sa halos 1.74 milyon na mag-aaral edad 2 hanggang 4 na taon sa buong bansa sa susunod na 120 araw.

Mula sa kasalukuyang P13 kada bata para sa isang pagkain bawat araw, itataas na ito sa P20 simula 2017. Ang budget para sa naturang program ay itinaas mula P3.42-B hanggang P4.427-B.

Ang DSWD ang may responsibilidad para sa pagkain ng mga ‘undernourished o underweight’ na mga bata sa daycare at kindergarten na may edad 2 hanggang 4 na taon, habang ang Department of Education (DepEd) naman ang nakatoka para sa mga edad 5 hanggang 11 anyos.

Pinasalamatan din ni Recto ang suporta ng kaniyang mga kasamahan sa kaniyang naging proposal, partikular na sina Senador Grace Poe at Loren Legarda.

Si Legarda rin ang nagtulak ng proposal para itaas ang budget sa pagkain ng kada preso mula sa kasalukuyang P50 hanggang P75 kada araw.

Loading…