Ex-PDEA agent Lt. Col. Marcelino, pinaaaresto ng korte sa kasong ‘illegal drugs’

MAYNILA, Pilipinas – Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Maynila laban kina Lt. Col. Ferdinand Marcelino, dating opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa kasamahan nitong Chinese national na si  Yan Yi Shou.

Ito ay may kaugnayan sa kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) dahil umano sa pagkakasangkot ng dalawa sa P380-M halaga ng shabu na nasamsam sa isang ‘drug raid’ ilang buwan na ang nakararaan.

Enero nitong taon nang maaresto ang dalawa matapos silang matagpuan sa isang bahay sa Sampaloc, Manila na ni-raid ng mga operatiba ng PDEA kung saan mahigit 70 kilo ng shabu ang nasamsam. Iginiit ni Marcelino na sila ay nasa ‘undercover operation’ din at matagal na nilang minamanmanan ang naturang bahay.

Nitong Setyembre, hiniling ng dalawang akusado sa korte na ibasura ang kasong ‘possession of illegal drugs’ laban sa kanila na isinampa ng DOJ.

Subalit nitong Martes, kinatigan ng Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 17 ang DOJ at naglabas ito ng warrant of arrest laban kina Marcelino at Yan.

Nauna nang pinaunlakan ng korte ang hiling ni Marcelino na ipagpaliban ang paglabas ng arrest warrant laban sa kaniya dahil umano sa kakulangan ng ‘probable cause’.

Kinuwestiyon din ng dating Marines ang pagkakaaresto sa kaniya noong Enero dahil isa umano lehitimong operasyon ang kaniyang ginawa na may basbas ng Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article II of Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

1 Comment

  1. Amazing turn of event. Whoever “basbas” the colonel would likely be invited in court and perhaps check also his background activities.

Comments are closed.