Duterte nakakita ng karamay sa Singapore, Yasay: Callamard dapat mag-sorry

Tila nakakita ng karamay si Pangulong Duterte sa Singapore; ito’y sa gitna ng kabi-kabilang batikos ng ibang bansa sa mga kaso ng patayan sa Pilipinas dahil sa war on drugs.

Sa state banquet sa kanyang parangal kagabi, sinabi ng pangulo na gaya ng Pilipinas, hindi nanghihimasok ang Singapore sa mga palakad ng mga gobyerno ng ibang bansa. Ito’y matapos siyang gawaran ng mainit na pagtanggap at parangal mula kay Singapore president Tony Tan at prime minister Lee Hsien Loong, anak ng founding father at unang prime minister ng Singapore na si Lee Kwan Yew, na tulad ni Duterte ay kilala sa kanyang kamay na bakal.

“We re-affirm respect and independence, and the non-interference in the internal affairs of states,” Duterte said in his speech.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, nagkasundo ang dalawang bansa na kailangan ang kamay na bakal lalo na sa ilegal na droga.

“The methods that we have agreed generally was this toughness, there can be no compromise on this, the toughness must be there,” sabi ni DFA Secretary Perfecto Yasay tungkol sa ilegal na droga.

Ang problema sa ilegal na droga rin daw ang dahilan kaya may death penalty pa rin daw sa Singapore. Kailan lang nagsimulang itulak ng mga kakampi ng pangulo sa kongreso na ibalik ang death penalty sa Pilipinas.

“This is one of the strongest justifications that they (Singapore) have. In imposing the death penalty to certain crimes, including crimes related to illegal drugs. We are also considering the re-imposition of the death penalty in so far as the Philippines is concerned,” sabi ni Yasay.

Para sa gobyerno dapat tularan ng ibang bansa ang Singapore imbes na bumanat lang sa pangulo. Kaya naman binale-wala rin ng gobyerno ang kanselasyon ng ikalawang yugto ng tulong pinansyal mula sa Millenium Challenge Corporation (MCC) ng Amerika, dahil duda sila sa rule of law sa bansa sa ilalim ng pangulo. Hindi raw kailangan ng Pilipinas ang pera nila kung may kapalit naman ito.

Puna ni Yasay na nagdesisyon ang MCC base sa mga balita lang ng media. Ayon pa kay Yasay, kaya umatras ang US sa ibang tulong nito sa Pilpinas ay dahil daw sa batikos ni UN Special Rapporteur na si Dr. Agnes Callamard base lang sa mga balita sa media. Taliwas umano ito sa mga patakaran ng U.N. Pinag so-sorry naman ni Yasay si Callamard bago siyang mapayagang bumisita at mag-imbestiga sa bansa alinsunod sa mga patakaran ng U.N.

“She must apologize for the arbitrary findings she has made. She must withdraw the findings immediately, and admit in public, before the international community because it has unfairly damaged the country, that this conclusion that she arrived at was not verified at all,” dagdag ni Yasay.