Duterte ayaw nang padaanin sa Korte Suprema at Kongreso ang pagdeklara ng ‘martial law’

MAYNILA, Pilipinas – Kung si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang masusunod, ayaw na nitong padaanin pa sa Korte Suprema at Kongreso ang pagdideklara ng batas militar sa bansa, kung sakali man.

Ayon kay Duterte, magiging mahirap umano para sa isang Pangulo kung ang pagdeklara ng ‘Martial Law’ ay kailangan pang apbruhan ng dalawang makapangyarihang sangay ng pamahalaan.

Mas makabubuti raw kung ang kapangyarihang ilagay ang estado sa ilalim ng batas militar ay magmumula lang sa iisang tao.

“Martial law powers are subject to review by the Supreme Court and by Congress. Kung mag-declare ako ng martial law at may invasion ngayon o giyera, I cannot proceed on and on lalo na kung may gulo,” paliwanag ng Pangulo.

Hindi madaling proseso

Hindi rin daw magiging madali ang ang proseso nito kung isasangguni pa sa dalawang sangay dahil marami pa itong pagdaraanan bago maaprubahan.

“Pupunta pa sa Congress. Pupunta pa ako doon sa SC. If there’s anybody who would file a complaint to look into the factual kung totoo ba, which you could not do,” ani Duterte.

“Eh kung magulo ang mundo? Kaya nga martial law na eh, para isang tao na lang ang magdirekta,” dagdag pa nito.

Mas magiging kumplikado rin daw ang sitwasyon lalo na kung magkasalungat pa ang opinyon ng Mataas na Hukuman at Kongreso tungkol dito.

“Eh kung iba ang SC. Magsabi ang Congress, yes. No ito, yes itong isa. Saan mo ako ilagay? Kaya kailangan talagang palitan iyan. But there is a safety measure there,” patuloy pa rin ng Presidente.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang pagdideklara ng ‘martial law’ ay kailangang aprubahan pareho ng Korte Suprema at ng Kongreso.

“Reckless reaction”

Maliban sa posibleng pagbabago sa probisyon ng Konstitusyon para sa ‘martial law’, nais din ni Duterte na amyendahan ang tatlong terminong limitasyon para sa mga halal na local official.

Ang mga bagay na ito umano ay bunga ng ‘reckless reaction’ ng bansa sa ‘martial law’ na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noon.

Ginawa ni Duterte ang huling pahayag nito sa gitna ng pangamba ng kaniyang mga kritiko na posibleng magdeklara ng ‘martial law’ ang kasalukuyang administrasyon gamit ang malawakang kampanya nito laban sa ilegal na droga sa bansa.

Loading…

2 Comments

  1. May basihan ang mungkahi ni Pres. Digong. Hindi naman siguro bilis bilisan mag deklara ng ML kung walang matibay na basihan. The 1987 Constitution was a reaction on the abuses of the government at that time, at ngayon na malakas ang social media at ang sangay ng pamamahala, hindi na sa opinyon ko kailangan ng pagkakaisa ng desisyon ng Korte Suprema at Kongreso para ideklara ang ML.

Comments are closed.