“Drug Queen” Lovely Impal pinalaya na mula sa kustodiya ng pulisya

MAYNILA, Pilipinas – Pinalaya na mula sa kustodiya ng pulis ang tinaguriang “Drug Queen of the South” na si Lovely Adam Impal; ito ay ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Sa panayam nitong Biyernes kay Senior Superintendent Albert Ignatius D. Ferro, hepe ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group, wala na umano sa kanilang kustodiya si Impal; ang itinuturong supplier ng ilegal na droga ni Kerwin Espinosa.

“Wala na po siya dito. Alam namin she is with her family,” ayon kay Ferro.

Pinalaya umano si Impal dahil wala namang warrant of arrest na ipinalabas laban dito.

“Unfortunately wala po kasi siyang warrant of arrest. Wala po siyang any case filed against her so wala tayong authority or legal basis para siya ay i-detain,” paliwanag pa ng opisyal.

Matatandaang sumuko kay PNP chief Director General Ronald ”Bato” Dela Rosa si Impal mahigit isang linggo na ang nakararaan.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado kamakailan, idinawit ni Kerwin Espinosa si Impal bilang isa sa kaniyang pinakamalaking supplier ng ilegal na droga.

Ang kanilang transaksyon umano ay nagsimula pa noong taong 2005 nang ang nakababataang Espinosa ay isa pa lamang sa mga tauhan ni Jeffrey “Jaguar” Diaz; ang drug lord na napatay sa Las Pinas noong Hunyo.

Si Impal ay nagmula sa Cagayan De Oro at mayroon ding kinakaharap na mga kaso sa korte sa Cebu dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.