Death penalty, isang ‘tamad’ na solusyon sa krimen – CBCP

MAYNILA, Philippines – Isa umanong ‘tamad’ na solusyon sa lumalalang krimen sa bansa ang parusang kamatayan o death penalty; ito ay ayon kay Catholics Bishop Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

Ayon kay Villegas, maraming mas epektibong paraan para tuluyang makontrol ang paglala ng kriminalidad; hindi lamang ang pagpatay sa mga naparusahng kriminal.

Kabilang na umano dito ang paglilinis ng hanay ng kapulisan at reporma sa sistemang panghukuman ng bansa.

“Cleanse the police ranks! Fix all the courts! Tighten (the security) at the Bilibid and other prisons. Death penalty is a lazy form of penalty instead of helping reform those who made mistakes,” ito ang sabi ni Villegas sa kaniyang talumpati sa isang prayer rally sa San Carlos City kamakailan.

“We are not protesting without a solution. We are protesting with an alternative. Reform the criminal justice system,” paliwanag pa ng arsobispo.

Mas dapat umanong pagtuunan ng gobyerno ang pagsasaayos sa mga isyung patuloy na nagtutulak sa mga tao para gumawa ng masama.

Ayon pa kay Villegas, sa isang hindi perpektong ‘justice system’, ang parusang kamatayan ay magbibigay-daan lamang para ang mga mahihirap ay lalong mabiktima habang ang mga may pera ay patuloy na makatatakas sa pananagutan sa batas.

Bilang mga tao rin, ang mga huwes umano ay hindi maiiwasang magkamali, at posibleng maparusahan ang isang inosente. Subalit oras na mabitay na ang mga naparusahan, imposible nang maitama pa ang nasabing pagkakamali.

Subalit iginiit din ng pari na kailanman ay hindi sila sang-ayon sa mga krimen, at ang Simbahan ay nararamdaman din ang mga pagdurusa ng mga naging biktima nito. Ngunit hindi umano solusyon dito ang pagpatay sa mga kriminal.

“Our alternative is fullness of life for the guilty and the innocent. Fullness of life for the poor and the rich. Fullness of life for sinners and saints,” dagdag pa ni Villegas.