De Lima hinimok si Duterte na sumailalim sa isang ‘medical exam’

MAYNILA, Pilipinas – Hinimok ni Senador Leila De Lima na sumailalim sa isang ‘medical examination’ si Pangulong Rodrigo Duterte; ito ay matapos aminin ng huli na mayroon siyang mga problema sa kalusugan na nararanasan sa kasalukuyan.

Matatandaang sinabi ni Duterte sa mga nauna niyang talumpati na nakararanas siya ng pauli-ulit na migraine na nagdudulot ng problema sa kaniyang pagtulog sa gabi. Inamin din ng pangulo na mayroon siyang isyu sa kaniyang spinal column at minsan ay umiinom ng gamot na Fentanyl – isang painkiller – para maibsan ang sakit na nararamdaman.

Ito ay maliban pa sa Barrett’s esophagus at Buerger’s disease na matagal na niyang isiniwalat sa publiko.

Subalit ayon kay De Lima, karapatan umano ng publiko na malaman ang tunay na kondisyon ng kalusugan ng presidente upang malaman kung naaapektuhan ang mga desisyong ginagawa nito lalo pa’t mayroon itong ininom na gamot.

“It is not just the illness itself that we should be worried about, but also the impact or side effects that the medications he is taking may have, especially on his lucidity and ability to make decisions with a clear mind,” paliwanag ni De Lima.

Ang pahayag ng senadora, isa sa mahigpit na kritiko ng Pangulo sa Senado, ay lumabas matapos hikayatin ni Rep. Carlos Zarate na maglabas ng ‘medical bulletin’ ang Pangulo tungkol sa kaniyang karamdaman upang maipaliwanag nang maayos ng isang doctor o dalubhasa ang kaniyang kondisyon.

Ito ay upang matapos na umano ang ispekulasyon ng publiko tungkol sa kaniyang kalusugan, kabilang na ang usap-usapan noon na siya ay mayroong kanser.

Sinang-ayunan naman ni De Lima ang mungkahi ni Zarate; isang kilalang kaalyado ng presidente.

Ayon kay De Lima, maliwanag umano sa Konstitusyon na kailangang malaman ng publiko kung ang Pangulo ng bansa ay may malubhang karamdaman.

“What if, God forbid, there is an emergency that requires immediate decisions, and the President is under the influence of such a powerful opioid?” ayon pa kay De Lima.

Maging si Senador Antonio Trillanes IV, isa pang kilalang kritiko ng administrasyon, ay nagsabing ang pag-amin ni Duterte na umiinom siya ng Fentanol ng mas mataas kaysa dosage ng kaniyang doktor ay nagbibigay katangian umano para tawagin siyang isang ‘drug addict’.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Duterte at sinabi sa isang panayam: “When there’s regularity, my friend, when you take it and when there’s a monkey on your back, that’s addiction.”