Dating domestic helper sa HK kasali sa Parade of Stars ng MMFF

Kung noon ay pawang mga sikat na artista lamang ang kasali, ngayon ay may isang dating domestic helper ang makakasama sa Parade of Stars ng 42nd Metro Manila Film Festival (MMFF) na gagawin sa Biyernes, ika-23 ng Disyembre.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, ang dating domestic helper na si Mylene Jocobo ay tampok sa “Sunday Beauty Queen”, isang dokumentaryo tungkol sa mga Pinay na namamasukang kasambahay sa Hong Kong. Isa ito sa mga entries sa MMFF.

Sinabi ng direktor nito na si Baby Ruth Villarama na ang “Sunday Beauty Queen” ay nagbibigay-pugay sa mga sakripisyo ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibayong dagat at sa pagmamahal nila sa kanilang trabaho upang makapagbigay ng suporta sa pamilya.

“Para po sa kanila itong pelikula na ito, especially ‘yung mga anak ng mga OFW na sabi ko nga, if parents would like their children to learn what unconditional love is, this is the perfect film to show to them. Sabi nila walang artistang malaki, pero sa pelikulang ito, buong sambayanang Pilipino ang bida,” sabi ni direk Villarama.

Umaasa naman si Jacobo na ang pagpapalabas ng dokumentaryo ay magbibigay-daan upang matulungan ang mga migranteng manggagawang Pilipino.