Dalawang snatchers na nakamotorsiklo, binundol ng babaeng driver na biktima nila

Sa halip na nagpapasasa na sa kanilang ninakaw, dalawang snatchers ang bumagsak sa ospital dahil binundol sila ng babaeng driver na biniktima nila.

Ayon sa ulat ng The Malay Mail Online, nangyari ang insidente sa Ara Damansara sa Petaling Jaya sa Malaysia dakong 3:30 ng madaling-araw noong Miyerkules, ika-28 ng Disyembre.

Nakahinto umano ang kotse ng biktima sa isang traffic light nang tabihan ito ng dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo. Bigla na lang binasag ng isa sa mga snatchers ang salamin sa passenger seat at hinablot ang isang bag na may laptop at mabilis na tumakas.

Sabi ni Petaling Jaya police chief ACP Mohd Zani Che Din, hinabol ng biktima ang dalawang snatchers at binundol ang motorsiklo kaya natumba ito na sanhi ng pagkasugat ng mga suspek. Tatakas pa sana ang isa sa kanila pero hinabol ito ng babae habang sumisigaw ng “magnanakaw! magnanakaw!”

Isang security guard sa malapit na construction site ang tumulong upang madakip ang tumatakas na suspek.

Ang mga suspek na kapwa 26-anyos ay may dati na palang kaso ng pagnanakaw, ayon sa pulisya.