Dalawang pasahero pinababa sa eroplano matapos komprontahin ang anak ni Trump

Isang professor sa Hunter College at asawa niyang abogado ang pinababa ng JetBlue sa isang flight nito mula New York patungo sa San Francisco matapos komprontahin ng isa sa kanila ang babaeng anak ni US President-elect Donald Trump na si Ivanka Trump noong Huwebes, ika-22 ng Disyembre.

Ayon sa New York Post, sinigawan umano ng abogadong si Dan Goldstein si Ivanka na noon ay nakaupo katabi ang asawa at tatlong anak sa main cabin ng JetBlue.

“Your father is ruining the country,” [sinisira ng ama mo ang bansa] sigaw ni Goldstein kay Ivanka, na hindi naman umimik bagkus ay nilibang ang mga anak upang hindi mapansin ang abogado.

Bago ang paninigaw, una na umanong nagtanong si Goldstein kung bakit kasama nila sa flight si Ivanka. Dapat raw ay gumamit ito ng pribadong eroplano.

Di nagtagal ay pinababa ng eroplano ang abogado at ang asawang professor na si Matthew Lasner.

Habang pinabababa, sumigaw pa umano si Goldstein ng “You’re kicking me off for expressing my opinion?” [Pinabababa n’yo ako dahil nagsasabi ako ng aking opinyon?]

Sa post ni Professor Matthew Lasner sa kanyang Twitter account, sinabi niya na dahil lang sa narinig umano ng isang flight attendant ang pagka-disgusto ng kanyang asawa na makasabay sa flight si Ivanka ay pinababa na sila ng eroplano.

“Ivanka and Jared on our flight. My husband expressed displeasure in a calm tone, JettBlue staff overheard, and they kicked us off the plane,” sabi sa post ni Lasner.

Pero may naunang post si Lasner na nagsabing “Ivanka and Jared at JFK T5, flying commercial. My husband chasing them down to harass them.” [Si Ivanka at Jared nasa JFK T5, lilipad ng commercial. Hinahabol sila ng asawa ko para harass-in sila.]

Sa ngayon ay hindi na ma-access ang Twitter account ni Lasner.

Loading…