Dalawang BI intelligence officers, sinibak sa serbisyo ni Aguirre

Inalis ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang dalawang Bureau of Immigration (BI) officials dahil sa umano’y partisipasyon nila sa pangingikil kay Jack Lam; ang Macau-based na gambling tycoon.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, nag-isyu ng department order si Secretary Aguirre noong Martes, ika-13 ng Disyembre, na alisin na sa serbisyo sina acting BI intelligence division chief Charles Calima Jr. at technical assistant for intelligence Edward Chan.

Lumutang ang pangalan nina Calima at Chan sa gitna ng alegasyon na ang mga Immigration Deputy Commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles ay tumanggap ng lagay na nagkakahalaga ng P50 million mula sa kampo ni Jack Lam kapalit ng paglaya ng mga nahuling mahigit isanlibong Chinese nationals sa online gambling casino nito sa Clark, Pampanga.

Bagama’t tinanggap ang P50 milyon, itinanggi nina Argosino at Robles na tinanggap nila ang pera bilang suhol. Anila, iyon ay bahagi ng kanilang imbestigasyon sa umano;y ilegal na operasyon ni Jack Lam ng online gambling facility sa Pampanga. Gagamitin umano nilang ebidensiya ang pera laban kay Jack Lam.

Sinabi pa ng dalawa na humingi sa kanila ng P18 milyon si Calima, samantalang P2 milyon naman ang hiningi ng dating opisyal ng pulisya na si Wally Sombero, na may kaugnayan kay Lam. Si Sombero ang nag-abot ng P50 milyon kina Argosino at Robles.

Sinauli naman nina Argosino at Robles ang natirang P30 milyon kay Sec. Aguirre.