Dahil sa payo kay Dayan na magtago, ‘wag siputin ang imbitasyon ng Kamara, De Lima kinasuhan ng DOJ

Dahil sa payo ni Senadora Leila De Lima sa dati niyang driver at karelasyon na si Ronnie Dayan na magtago na lamang at huwag siputin ang imbitasyon ng Kamara sa imbestigasyong isinagawa tungkol sa talamak na bentahan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison, naghain ng obstruction of justice case ang Department of Justice (DOJ) laban sa senadora.

Ang payong magtago at huwag sumipot sa pagdinig ay ipinadala ni De Lima sa pamamagitan ng text message sa cellphone ng anak na babae ni Dayan. Tumestigo ang anak ni Dayan at ipinakita sa Kamara ang mga mensahe ng senadora.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nahaharap si De Lima sa paglabag ng Article 150 ng Revised Penal Code o ang “Disobedience of Summons issued by the National Assembly its committees or subcommittees, by the Constitutional Commissions, its committees, subcommittees or division.”

Kung mapatutunayang nagkasala, maaaring pagmultahin o ikulong ng mula isa hanggang anim na buwan ang senadora.

 

Loading…