Dahil sa pagsasalita ng Arabic, 2 pasahero pinababa sa eroplano ng Delta Airlines

Dalawang lalaking pasahero ang pinababa ng Delta Airlines mula sa isang eroplano dahil umano sa pagsasalita nila ng Arabic.

Sa video na ibinahagi niya sa Twitter, sinabi ng Muslim American na si Adam Saleh, isa sa dalawang pasahero na pinababa, na dahil lang sa pagsasalita ng lengguwaheng Arabic na nagdulot raw ng “discomfort” o pagkabalisa sa ilang pasahero ay pinababa sila ng eroplano.

“We’re getting kicked out because we spoke a different language… Six white people against us bearded men,” ani Saleh. [Pinaaalis kami dahil nagsalita kami ng ibang lengguwahe… anim na lalaking puti laban sa aming may mga balbas.]

Sa kanyang post sa Twitter, sinabi ni Saleh na gamit ang salitang Arabic ay kausap niya sa telepono ang kanyang ina at kaibigang si Slim.

Ayon naman sa pahayag ng Delta Airlines, pinaalis nila ang dalawa matapos ang isang gulo sa loob ng cabin na dahilan upang magpahayag umano ang 20 pasahero ng kanilang pagkabalisa. Obligasyon umano nila na siguruhin ang ligtas na kapaligiran. Nangako ang airlines na magbibigay ng update kapag mayroon na silang iba pang impormasyong maibabahagi.

Inilipat naman ng Delta Airlines sa ibang flight ang dalawang pasaherong pinababa.