China may charter flights na sa pinag-aagawang isla sa South China Sea

Araw-araw nang may civilian charter flights ang China patungo sa isang islang pinag-aagawan sa South China Sea.

Ayon sa ulat ng The Straits Times, isang pampasaherong eroplano ang lumipad mula sa Meilan Airport sa Haiku, Heinan province at bumaba sa paliparan sa Woody Island dakong 10:20 ng umaga noong Huwebes, ika-22 ng Disyembre. Iyon ang kauna-unahang pampasaherong eroplano na nagtungo doon.

Ang Woody Island, o Yongxing Island para sa mga Intsik, ang pinakamalaking isla sa Paracel Islands na inaangkin din ng Vietnam at Taiwan.

Ayon naman sa ulat ng Bombo Radyo, bukod sa Woody Island, inihahanda na rin umano ng China ang mga paliparan na ginawa sa Mischief at Subi Reef sa Spratly Islands para gamitin sa mga commercial flights.

Ilan sa mga isla sa Spratlys ay okupado ng Pilipinas, samantalang ang iba naman ay okupado ng Taiwan, Malaysia at Vietnam.