Chief Bato sa mga pulis: Pasukin ang bahay ng sinumang magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon

Isang babala ang pinakawalan ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” De la Rosa na nagpapakita na wala siyang sasantuhin sa sinumang walang habas na magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon; pulis man o sibilyan.

Ayon sa ulat ng Philstar, binitiwan ni De la Rosa ang utos sa gitna ng hangarin ng PNP na magkaroon ng zero casualty sa mga ligaw na bala dahil sa indiscriminate na pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Kumatok kayo sa pintuan. Sabihin ninyo na aarestuhin ninyo ang nagpaputok ng baril. Kung tumanggi sila, pasukin n’yo,” ang mahigpit na bilin ni De la Rosa sa mga kapulisan.

Pinaalalahanan rin niya ang mga pulis na dapat ay naka-uniporme sila at magpapakilala bilang mga tagapagpatupad ng batas.

“No mercy kami ngayon sa inyo. Kapag kayo’y nahuling nag-indiscriminate firing, you will face the full force of law, lalong-lalo na kung kayo ay pulis. I hope everyone cooperates. Gusto n’yo ng pagbabago, magbago na rin po tayo. Ipakita natin sa buong mundo na ang Pilipino, disiplinado,” dagdag pa ni Chief Bato.