Cavite, magpapatupad ng number coding scheme sa mga sasakyan simula December 22

Dahil sa bigat ng daloy ng trapiko na nararanasan sa mga pangunahing kalsada sa Cavite, nagpasya ang provincial government na magpatupad ng sariling number coding scheme na katulad ng ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.

Ang pagpapatupad ng number coding scheme ay alinsunod sa kapapasa pa lang na Provincial Ordinance No. 64 o ang Cavite Unified Vehicular Reduction System. Ang may akda ng ordinansa ay si Cavite First District Board Member Gilbert Gandia, tagapangulo ng transportation and communication committee ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon sa ulat ng Manila Times, ipagbabawal na ang mga sasakyan tulad ng mga kotse, van, motorsiklo, truck at iba pang pampribadong sasakyan na dumaan sa Aguinaldo Highway (Bacoor hanggang Dasmariñas-Silang boundary), Governor’s Drive (Carmona hanggang Trece Martires City-Tanza boundary), Molino-Salawag-Paliparan Road (Zapote, Bacoor, hanggang Paliparan, Dasmariñas), Molino Boulevard at Daang Hari Road (Aguinaldo Highway, Imus hanggang Molino, Bacoor) mula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at mula 3:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Ang mga oras mula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon ay magsisilbing “window hours” na maaaring dumaan ang mga pribadong sasakyan.

Narito ang iskedyul ng UVRS ng Cavite:

Lunes – plaka na may last digit na 1 at 2

Martes – plaka na may last digit na 3 at 4

Miyerkules – plaka na may last digit na 5 at 6

Huwebes – plaka na may last digit na 7 at 8

Biyernes  – plaka na may last digit na 9 at 0