Bata namili ng Pokemon toys sa Amazon gamit ang ‘fingerprint ID’ ng natutulog na nanay

Nawa ang kuwentong ito ay magsilbing babala sa mga ina na huwag hayaan ang kanilang mga cellphone na kakalat-kalat sa bahay lalo pa’t mayroon silang mga anak na magagaling mangalikot ng gadgets.

Ayon sa Wall Street Journal, huli na nang malaman ng isang nanay na taga Little Rock, Arkansas na ginamit pala ng kaniyang anim na taong gulang na anak ang kaniyang cellphone para makapamili ng regalo sa kaniyang sarili sa isang online shop.

Ang kuwento ay nangyari ilang araw bago mag-Pasko.

Saglit lang umano na naidlip si Bethany Howell sa kanilang couch nang pakialaman ng anak na si Ashlynd ang kaniyang cellphone.

Habang natutulog si Bethany, ginamit ng bata ang ‘thumb print’ ng kaniyang nanay para mabuksan ang kaniyang cellphone. Nang ma-unlock na ang phone, pumunta si Ashlynd sa Amazon online store at umorder ng 13 pirasong laruang Pokemon.

Ang lahat ng pinamili ng bata ay nagkakahalaga ng $250 (P12,450).

“$250 later, she has shopped for all her Christmas presents on Amazon,” kuwento ng nanay.

Matapos mabasa ng ina ang ‘confirmation’ ng 13 order mula sa Amazon, inakala umano niya na na-hack ang kaniyang cellphone. Subalit napagtanto nila kinalaunan na maaaring si Ashlynd nga ang may gawa ng lahat.

“No, Mommy, I was shopping,” pag-amin umano ng bata. “But don’t worry—everything that I ordered is coming straight to the house.”

”She is really proud of herself,” dagdag pa ng ina.

Sapagka’t wala na umano silang magagawa dahil 4 lang sa mga order ni Ashlynd ang maaaring isauli, ipinaliwanag na lamang nila sa bata na ang mga darating na regalo ay talagang nagmula kay Santa Claus.

 “Well, Santa found out and that is what Santa is going to bring you for Christmas,” paliwanag ng nanay.