Bagitong pulis, wanted dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril

Isang bagitong pulis ang pinaghahahanap ngayon ng mga awtoridad dahil sa indiscriminate gun firing sa Tondo, Maynila dakong 1:52 ng madaling araw noong Lunes, ika-19 ng Disyembre.

Ayon sa ulat ng Tempo, kinilala ang pulis na si Police Officer 1 Ronel Pantig, nakatira sa 1376 A. Rivera St., Tondo, na nakadestino sa Pasig City Police Station.

Ayon sa Manila Police District Station 2, naganap ang insidente sa panulukan ng A. Rivera Street at La Torre Street, Tondo, sakop ng Barangay 245, Zone 22, District 2.

Base sa police report, nakita sa CCTV footage na dumating si Pantig at isang babae, na diumano ay kanyang nobya, na sakay ng isang motorsiklo. Kitang-kita sa video na bumunot ng baril ang bagitong pulis at sunud-sunod na nagpaputok.

Nagreklamo ang kapitbahay niyang si Anthony Tan dahil pumasok ang isang ligaw na bala sa kanyang bahay. Tumama ang bala sa isang electric fan at tumagos palabas ng pintuan. Mabuti na lamang daw at walang nasaktan sa pangyayari.

Na-recover sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo at slug ng 9mm pistol.

Ang General Assignment and Investigation Section ng MPD ay nakikipag-ugnayan na sa Pasig City Police para sa ikadarakip ng abusadong si PO1 Pantig.

Loading…