Babala: Mga Pinoy pinag-iingat sa mga online scam na nag-aalok ng trabaho sa Portugal

Nagbigay ng babala ang Philippine Embassy sa Lisbon, kabisera ng Portugal, na mag-ingat sa mga manloloko sa internet na nag-aalok ng trabaho sa Portugal.

Ayon sa ulat ng Inquirer, naglabas ng advisory ang embassy dahil sa dumaraming bilang ng mga Pilipino na nabibiktima ng mga nasabing online scams.

Ilan sa mga biktima ay nakatanggap ng email mula sa di-umano’y mga kumpanya sa Portugal na nag-aalok ng trabaho at nangangakong tutulong sa pagproseso ng mga visa permits for employment at iba pang dokumento kapalit ang pera na dapat umanong ipadala sa money transfer.

Ayon pa sa advisory ng embahada, ang mga scammers ay nagpapanggap na kinatawan ng mga mararangal na Portugese companies at kinokopya ang kanilang website ngunit pinapalitan ang contact numbers upang makapangloko sa mga naghahanap ng trabaho sa ibayong dagat.

Pinaalalahanan ng embahada ang mga Pilipinong aplikante na nais magtrabaho sa Portugal na makipag-ugnayan sa Portuguese Embassy sa Jakarta o sa Lisbon upang makasiguro sa mga transaksyon.

 

Source :

Inquirer