3 paring El Salvadoran, napatunayan sa paglilitis ng Vatican na nagkasala ng sekswal na pang-aabuso

Sa isinagawang pansimbahang paglilitis (ecclesiastical trial) ng Vatican, napatunayang nagkasala ng sekswal na pang-aabuso ang tatlong pari sa El Salvador.

Ayon sa ulat ng Reuters, itiniwalag na ng El Salvador Catholic Church ang tatlong pari na kinilalang sina Francisco Galvez, Antonio Molina and Jesus Delgado matapos hatulan sa ecclesiastical trial ng Vatican na “guilty” sa pang-aabuso ng mga bata na naganap sa pagitan ng 1980 at 2000.

Si Delgado ay private secretary at biographer ng napaslang na si Archbishop Oscar Arnulfo Romero. Isa umanong kilalang pari at mataas na opisyal ng El Salvador archdioses si Delgado.

Sinabi ni El Salvador Archbishop Jose Luis Escobar na hindi na kinasuhan si Delgado dahil lipas na ang “statute of limitations” ng krimen o ang panahon na maaari siyang sampahan ng kaso. Ang batang babae na inabuso ni Delgado noong 9 na taong gulang pa lang ito ay 43 years old na ngayon. Wala namang iba pang detalye na nabanggit tungkol sa dalawa pang pari.

Nauna nang ipinahayag ni Pope Francis na hindi niya hahayaang mangyari ang sekswal na karahasan laban sa mga bata at nangakong lilinisin ang mga sekswal na pang-aabuso sa loob ng Simbahang Katolika.