22 piraso ng diamonds sa isang balikbayan box, kinumpiska ng Customs

Isang balikbayan box mula sa Malaysia ang kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa tangkang pagpupuslit ng 22 piraso ng diamonds ilang araw bago mag-pasko.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, ang mga diamonds na pinaniniwalaang ninakaw ay nakasilid sa isang resealable plastic pouch na itinago sa isang pitaka sa loob ng balikbayan box. Ipinadala ng isang nagngangalang Arturo Rivera mula sa Kuala Lumpur ang mga diyamante.

Sa isang Lajane Basilio ng Barangay Luakan, Purok 1 sa Bataan nakapangalan ang balibayan box.

“Nakalulungkot kumpiskahin ang isang balikbayan box sa isiping naglalaman iyon ng mga regalo at iba pang bagay para sa mga mahal sa buhay ng isang Pinoy na nasa abroad. Pero, hindi rin naman maaaring kunsintihin ang ibang Pilipino na ginagamit ang balikbayan box  sa iba’t-ibang paraan ng pamumuslit na ipinagbabawal ng batas,” sabi ni BOC Commisioner Nicanor Faeldon.

Nasabat ang kontrabando matapos makatanggap ang BOC ng impormasyon mula sa National Bureau of Investigation.

Nasa kustodiya ni Manila International Container District Collector Vincent Philip Maronilla ang mga nakumpiskang diamonds habang inihahanda naman ang mga kasong isasampa laban kay Rivera at Basilio.