13 katao sugatan sa pagsabog ng granada sa North Cotabato

MAYNILA, Pilipinas – Mahigit isang dosena katao ang nasugatan matapos pasabugin ang isang granada ilang metro lang ang layo mula sa isang simbahan kung saan idinaraos ang isang misa para sa Kapaskuhan sa North Cotabato.

Nangyari ang insidente nitong Sabado ng gabi, Disyembre 24, sa harap ng simbahan ng Sto. Nino Parish sa bayan ng Midsayap pasado alas-9 ng gabi.

Tinatayang hindi bababa sa 13 katao ang nasugatan. Ang mga biktima ay dinala  Pesante Hospital,  Amado District Hospital at Cotabato Regional Medical Center.

Ayon kay Father Jay Virador ng Oblates of Mary Immaculate, nangyari ang pagsabog mga 50 metro lang ang layo mula sa simbahan habang ginaganap ang misa.

“There was no more concluding prayers as there was a commotion,” kuwento ni Virador. “People hurriedly left the Church.”

Napag-alaman sa ulat na ang target ng pag-atake ay isang pick-up mobile truck ng pulis dahil sa ilalim nito itinapon ang granada. Nadamay din ang ilang sasakyang nakaparada sa harap ng simbahan.

Kinilala ng ABS-CBN News sa ulat nito ang ilang biktima na sina Dagul Celes, Cheyserr Mae Rosete, Arnel silvano, Jenelyn Silvano, Regor Pedrosa, Jofer Asis, Leah Butan, Joy Singco, Kent Steven Paquito, Jazza Mae Banlawi, SPO4 Johny Caballero, at Jonel Ortiola.

Ayon naman sa lokal na pulisya, karamihan sa mga nasaktan sa pagsabog ay ang mga nakatayo sa labas ng simbahan.

Samantala, wala pang grupo ang umaako sa naturang pag-atake.